10/10/2011

laruan

mahal kong laruan,

bakit ganoon? tinutukso nila akong bakla at iyakin. porke ba iyakin, bakla na. di naman ako naglalaro ng manika. katunayan, kayo mga laruan ko - mga tau-tauhan, trak, sundalo, koboy, indyan, at mga kabayo. Isa-isa ko kayong hinihilera sa buhangin o kaya itinatago sa mga bato at kahoy upang di ko kayo matira ng goma. hinuhukay ko pa ang lupa, kunwari taguan sa giyera.

ikaw ang paborito kong sundalo kasi kulay orange ka. at saka malaki. ito naman ang paborito kong kotse kasi gawa sa bakal at mabilis umandar. paborito rin kita - sundalong nakasakay sa kabayo. at ikaw, naiiba ka kasi isa kang viking na kulay silver.

kayo na ang mga kalaro ko. ayaw kasi nila akong sakali. magkakasakit daw ako. at saka mahina daw ang katawan ko.

sayang di ko kayo naitago. marami-rami na rin kayong naipon ko. sagisag kayo ng kumusmusan ko. ang naaalala ko, ibinigay ko kayo sa pamangkin ko. Nang lumaki siya, ibinigay kayo ng nanay niya sa magbobote para may laruan ang mga anak niya. di bale. sana naging masaya yung mga bata dahil kahit mahirap lang sila, nagkaroon sila ng mga laruan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Salamat kaibigan!